Pormal nang inilunsad ngayong araw ang MV Nilad, isang bagong marine clean-up vessel na tutulong sa mas mabilis at mas epektibong paglilinis ng Manila Bay. Bahagi ito ng Enhancement of Marine Litter Management (EMLM) Project, isang pagtutulungan ng Pilipinas at South Korea laban sa marine pollution.
Donasyon ng Republic of Korea ang nasabing MV Nilad. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), taglay ng vessel ang iba’t ibang features tulad ng marine litter collection conveyor system, oil boom, oil skimmer, crane, at firefighting system upang mapalakas ang pangongolekta ng basura at pagtugon sa oil spills sa Manila Bay.
Sa mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na binasa ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez, sinabi na inaasahang makatutulong ang barko sa pagpapabilis ng rehabilitasyon ng Manila Bay at sa pagpapalawak ng kamalayan ng publiko sa pangangalaga ng karagatan. Nagpasalamat din ang Pangulo sa Korea International Cooperation Agency (KOICA) para sa patuloy nitong suporta sa bansa.
Dumalo rin sa inagurasyon sina Korean Ambassador Lee Sang-hwa, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, mga opisyal ng Philippine Coast Guard, DENR, at mga estero rangers na tutulong naman sa paglilinis ng mga waterways bago pa ito umabot ng Manila Bay.