Umaapela si House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Lorenz Defensor sa iba’t ibang sektor at sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang kanyang panukalang batas na naglalayong bigyan ng disenteng taas-sahod ang mga manggagawang Pilipino nang hindi pinapabigat ang pasanin ng mga negosyante.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Labor and Employment, binigyang-diin ni Defensor na ang kanyang inihaing House Bill 8246 ay para sa isang “staggered wage hike” o unti-unting pagtataas ng suweldo.
Anya mas may pinakamalaking pagkakataon o “realistic chance” ito na lumusot bilang batas.
Paliwanag ng mambabatas, ito ang nakikita niyang pinakamainam na solusyon upang maibigay sa mga manggagawa ang makatwirang dagdag-kita nang hindi naman maapektuhan ang mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) at malalaking industriya na siyang nagbibigay ng trabaho sa milyun-milyong Pilipino. | ulat ni Melany Reyes