Handang harapin ng mga bagong itinalagang private prosecutors ang mga batikos at paninirang-puri sa social media habang papalapit ang takdang araw ng paglilitis laban kay Sara Duterte.
Nitong Lunes, opisyal nang ipinakilala ng House prosecutors ang bagong batch ng mga volunter lawyers na makakasama at tutulong sa kanilang panel.
Ayon kay Atty. Raynaldo Robles, isa sa mga bagong mukha ng prosekusyon, ito na ang tamang panahon upang tumindig at ipaglaban ang kinabukasan ng mga kabataang Pilipino.
Inihayag naman ni Atty. Mae Divinagracia na inaasahan na nila ang mga personal na atake at tangkang paglihis sa tunay na isyu.
Aniya, layunin lamang ng mga kritikong ito na idirekta sa ibang bagay ang atensyon ng taumbayan palayo sa isang constitutional process.
Si Atty. Divinagracia ay kilala bilang dating abogado ng yumaong DPWH Undersecretary Catalina Cabral, habang si Atty. Robles naman ang nagsisilbing legal counsel ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.
Binigyang-diin pa ni Divinagracia na walang anumang kontradiksyon o inconsistency sa kanyang track record.
Giit niya, ang kanyang naging tungkulin noon sa pagtatanggol sa due process at mga karapatan ng kanyang dating kliyente na si USec. Cabral ay ganap na nagtutugma sa kanyang kasalukuyang adbokasya na isulong ang public accountability o pananagutan sa bayan. | ulat ni Melany Reyes