Screengrab from tourism.gov.ph
Nilinaw ni Department of Tourism (DOT) Assistant Secretary Czarina Zara-Loyola na hindi papalitan ang national tourism brand na “Love The Philippines,” kundi palalakasin lamang ito sa pamamagitan ng pagsusulong ng domestic tourism sa ilalim ng “Discover More to Love.”
Sa programang Pasyal Pinas, binigyang-diin ni Asec. Loyola na nakatuon ang ‘Discover More to Love’ campaign sa paghikayat sa mga Pilipino na libutin ang Pilipinas.
“Ang ‘Love The Philippines,’ ito ‘yung mensahe natin sa mundo kung bakit dapat nilang bisitahin ang ating bansa. Itong ‘Discover More to Love’ naman, ito ‘yung paanyaya natin sa ating mga kababayan, mga kapwa Pilipino, na muling tuklasin ang Pilipinas,” aniya.
Sa pamamagitan ito ng mas maayos at user-friendly ang website kung saan available ang 3,000 travel deals mula sa airlines, travel and tour operators, accommodation at iba pang tourism players na nagbibigay ng hanggang 70% diskwento.

Iniulat din ng DOT na sa kabila ng inaasahang pagbaba ng turismo tuwing lean months mula Hulyo, ay nakapagtala na ng Php120,000 kita ang mga tourism stakeholders sa bagong tourism website, apat na araw matapos itong ilunsad.
Malaking tulong aniya ito sa mga Pilipino lalo pa’t sa datos ng DOT ay higit pitong milyong mga Pilipino ang nagtatrabaho sa ilalim ng sektor ng turismo.