Nanawagan ang AMANA-BARMM sa Korte Suprema na resolbahin ang mga nakabinbing petisyon kaugnay ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao elections bago ang halalan sa Setyembre 2026.
Ayon kina AMANA-BARMM Convenor Alim Saad Amate at AMANA-BARMM Convenor Maulana Mamutuk, hindi dapat maisantabi ang unang regular BARMM elections sa gitna ng umiiral na tensyong pampulitika sa bansa, kabilang ang impeachment proceedings at mga kilos-protesta.
Iginiit ng grupo na dapat pakinggan ng mga institusyon ang panawagan ng publiko, partikular ang mga rally sa Cotabato City at Lanao del Sur na humihiling ng pagsunod sa peace agreement at pagprotekta sa mga naging bunga ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Ayon kay Mamutuk, mahalagang maiwasan ang kalituhan bago ang makasaysayang halalan sa BARMM.
Sinabi naman ni Amate na dapat masusing repasuhin ng Korte Suprema ang mga petisyon at apelang may kinalaman sa representasyon at sa transition na itinakda sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.
Giit pa ng AMANA-BARMM, hindi lamang usapin ng eleksyon ang BARMM elections kundi isang constitutional peace issue na nakaugat sa peace process at Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Nanawagan ang grupo sa Korte Suprema na kumilos nang may agarang aksyon upang matiyak na magiging lawful, orderly, credible, at hindi magulo ang unang BARMM elections.