Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang maayos na daloy ng trapiko sa bahagi ng EDSA White Plains sa Quezon City.
Ito’y sa ikalawang araw ng nagpapatuloy na aktibidad ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo (INC) sa lugar matapos ang nangyaring ‘carmaggedon’ ng mga sasakyan, kahapon.
Batay sa ulat ng PNP Regional Highway Patrol Unit – NCR, nasa 98 mga tauhan nila ang ipinakalat sa paligid ng People Power Monument para tumulong sa pagmamando ng trapiko.
Una nang sinabi ng PNP, na naglatag sila ng bagong operational strategy matapos ang nangyaring lightning rally ng INC kahapon kung saan, maraming mga manggagawa ang naperhuwisyo dahil sa biglaang pagsisikip ng trapiko sa lugar.