Inatasan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng paaralan at field offices sa bansa na paigtingin ang pagpapatupad ng school safety at child protection policies kasunod ng insidente ng pananaksak sa Cabaluay National High School sa Zamboanga City ngayong araw.
Sa isang pahayag, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na prayoridad ng DepEd ang kapakanan at paggaling ng dalawang sugatang mag-aaral.
Nakikipag-ugnayan na aniya ang DepEd Central Office sa Regional Office at Schools Division Office upang matiyak na agad na maibibigay ang kinakailangang tulong sa mga biktima at kanilang pamilya.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, sinabi ni Angara na magbibigay din ng guidance services at psychosocial support sa mga apektadong mag-aaral at personnel.
Matatandaang nasugatan ang dalawang estudyante matapos silang pagsasaksakin ng kanilang kaklase sa nasabing paaralan.
Ayon sa pulisya, nagdala umano ng kutsilyo ang 17 taong na Grade 11 student bilang proteksyon sa sarili dahil madalas umano siyang binu-bully ng dalawang biktima.