Nagpahayag ng suporta ang ilang business organizations sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga law enforcement agencies sa Philippine Sanjia Steel Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Kung maalala ito ay ipinasara matapos makitaan ng mapanganib na radioactive materials sa loob ng pasilidad.
Sa isang joint statement, sinabi ng mga grupo na dapat maging masusi, patas, at nakabatay sa ebidensya ang imbestigasyon dahil lumawak na ang usapin mula sa labor at regulatory violations tungo sa mga isyung may kinalaman sa public safety, regulatory oversight, at national security.
Nagpahayag din sila ng suporta kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kaugnay ng kanyang babala sa mga foreign networks na iligal na nag-ooperate malapit sa pasilidad ng Philippine Navy.
Nanawagan din ang mga business groups na repasuhin ang safety standards, regulatory compliance, at oversight mechanisms para sa mga industriyang matatagpuan sa mga estratehikong lugar.
Matatandaang iniugnay ng mga awtoridad ang Philippine Sanjia Steel Corporation sa Chinese businessman na si Tony Yang, na naaresto noong 2024 dahil sa umano’y pamemeke ng kaniyang Filipino citizenship.