Posible pa ring maharap sa kaso ang mga organizer ng rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa kabila ng pagkuha nila ng permit para sa ikalawang araw ng aktibidad sa EDSA.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Acting Spokesperson PCol. Allen Rae Co, iimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang isinagawang lightning rally noong kahapon, June 30.
Ayon kay Co, bukod sa kawalan ng permit, nagdulot din ng matinding perwisyo sa mga motorista at commuter ang pagharang ng mga sasakyan ng INC sa bahagi ng EDSA.
Ipinaliwanag ni Co na mas inuna ng PNP ang pagpapanatili ng kaayusan sa trapiko at peace and order sa pamamagitan ng pagpapatupad ng maximum tolerance.
Gayunman, kapag natapos aniya ang aktibidad ay itutuloy ang pangangalap ng mga ebidensya para sa isinasagawang imbestigasyon.