Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang panukalang pagpapatupad ng mandatory bag inspection sa mga paaralan sa buong bansa
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., layon nito na palakasin ang seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at school personnel sa lahat ng academic institutions, salig sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binigyang-diin ni Nartatez na makatutulong ito upang mapigilan ang pagpasok ng mga nakamamatay na armas gayundin ng iba pang mga ipinagbabawal na kagamitan sa loob ng paaralan.
Nakahanda ang PNP na tumulong sa pagpapatupad ng nasabing hakbang sakaling maaprubahan ng mga kinauukulang awtoridad.
Nabatid na pinag-aaralan na ngayon ng Department of Education (DepEd) ang nasabing panukala kasunod ng mga naitalang insidente ng karahasan sa mga eskwelahan.
Pinakahuli rito ay ang malagim na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City at nauna pa rito ang mga insidente ng pananaksak sa dalawang paaralan sa Cavite.