Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na patuloy nilang igagalang ang karapatan ng bawat Pilipino na magtipon gayundin ang paghahayag ng saloobin na ginagarantiya ng Saligang Batas.
Ito ang inihayag ng PNP kasunod ng ikalawang araw ng aktibidad ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo sa People Power Monument sa Quezon City ngayong araw.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., hindi basta pormalidad lamang ang pagkuha ng permit sa mga ganitong uri ng pagtitipon, bagkus bahagi ito ng pagtitiyak ng maayos, mapayapa at proteksyon sa karapatan ng publiko.
Bagaman mananatili ang “maximum tolerance”, kanila pa ring ipatutupad ang kanilang mandato sa ilalim ng batas sa sino mang lalabag dito.
Sinabi ni PNP Acting Spokesperson, PCol. Allen Rae Co na may pananagutan din sila sa mas nakararami na tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista at iba pang apektado ng pagtitipon.
Una rito, nakakuha ng permit ang INC mula sa Quezon City LGU mula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi at limitado na lamang sa bahagi ng White Plains avenue mula sa kanto ng EDSA hanggang Temple drive.