Bukod sa pagsusulong ng social media ban para sa mga menor de edad sa gitna ng tumitinding karahasan sa mga paaralan sa bansa, muling isinusulong ni Senate President Sherwin Gatchalian ang kanyang panukalang ipagbawal ang paggamit ng smartphones at iba pang electronic devices sa oras ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Inihain ni Gatchalian ang kanyang panukala sa ilalim ng Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 627) na naglalayong ipagbawal sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Senior High School ang paggamit ng smartphones at iba pang electronic gadgets sa loob ng paaralan.
Gayunman, may mga exemption ang panukalang batas para sa paggamit ng mga gadget sa mga gawaing pang-edukasyon, tulad ng classroom presentations at iba pang learning activities na pinangungunahan ng guro.
Papayagan din ang paggamit ng mobile devices at iba pang electronic gadgets para sa mga mag-aaral na may partikular na kondisyon sa kalusugan, gayundin sa panahon ng mga emergency o iba pang sitwasyong may banta sa kaligtasan.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na bukod sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral, isinusulong niya ang smartphone ban sa mga paaralan upang matiyak na nakatutok ang mga estudyante sa pag-aaral at hindi naaabala ang kanilang pagkatuto.