Isinusulong ni Senador Bam Aquino ang agarang pagpasa ng kanyang panukalang School Safety Act sa gitna ng sunod-sunod na insidente ng karahasan at pagkakadiskubre ng mga patalim at baril sa pagmamay-ari ng ilang estudyante sa iba’t ibang paaralan sa bansa.
Sa july 9, nakatakdang talakayin ng Senate Committee on Basic Education, na pinamumunuan ni Aquino, ang panukalang School Safety Act.
Bagama’t orihinal na layunin ng panukala na palakasin ang mga hakbang laban sa bullying sa mga paaralan, pinalawak ito para matugunan ang iba pang uri ng karahasan, mapaigting ang seguridad sa mga paaralan, at makasabay sa mga bagong banta na kinahaharap ng mga estudyante.
Ayon kay Aquino, kabilang sa pinalawak na panukala ang mga probisyong magpapalakas sa seguridad ng mga paaralan, magpapahusay sa paghahanda at pagtugon sa mga emergency, at magsusulong ng pangkalahatang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante at mga kawani ng paaralan.
Kasama sa mga mungkahi ni Aquino ang paglalagay ng CCTV cameras, metal detectors at iba pang security equipment, pagtatalaga ng dagdag na barangay tanods at security personnel, at regular na konsultasyon tungkol sa school safety at iba pang mga pagkilos.
Bilang bahagi ng pagdinig sa School Safety Act, tatalakayin din sa july 9 ang ilang panukalang naglalayong mapahusay ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante, kabilang ang mga panukalang pagpapalawak ng Anti-Bullying Act, pagsusulong ng digital literacy at internet safety, regulasyon sa paggamit ng mga mobile device sa mga paaralan, at pangangalaga sa kapakanan ng mga student-athletes. | ulat ni Nimfa Asuncion