Panatag si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na umalis ng bansa para sa kanyang official visit sa Canada sa kabila ng nagpapatuloy na rally ng Iglesia ni Cristo (INC).
Sa ambush interview sa Pangulo sa Villamor Air Base, sinabi nito na sa kasaysayan ng mga isinagawang rally ng Iglesia ay wala itong rekord ng panggugulo.
Ang inaalala lamang aniya ng pamahalaan, batay sa mga nakukuhang impormasyon, ay ang posibilidad na mapasukan ang pagtitipon ng mga indibidwal na maaaring mang-agitate o magsimula ng pang-uudyok na mauwi sa kaguluhan.
Ito, ayon sa Pangulo, ang nais nilang maiwasan dahil ang hangad nila ay walang masaktan, kaanib man o hindi ng Iglesia.
Sa ngayon, sinabi ng Pangulo na nananatiling mapayapa ang pagkilos ng Iglesia at nagpasalamat siya sa lahat ng tumutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan ng mga nagra-rally.