Photo courtesy of Presidential Communications Office
Pormal nang binuksan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos ang Likhang Filipino Theater nitong Biyernes, Nobyembre 6.
Ang pasilidad na ito ay naglalayong magbigay ng panibagong entablado para sa mga Filipino Artists upang maabot ang mas malawak na madla at lalong maitaguyod ang mayamang pamana ng sining sa bansa.
Matatagpuan sa loob ng Likhang Filipino Creative Lab, ang 279-seater theater ay idinisenyo bilang plataporma para sa mga bago at beteranong artista.
Layunin nitong magbigay ng espasyo para sa pagtatanghal ng mga likha, pagtuklas ng mga bagong ideya, at pakikipag-ugnayan sa mga manonood.
Masuportahan ang iba’t ibang uri ng malikhaing hangarin sa labas ng mga tradisyunal na espasyo ng pagtatanghal at isulong ang mga creative industries sa ilalim ng direktang pamumuno ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Bukod sa pagpapalago ng lokal na talento, ang pagbubukas ng teatro ay nakatutok din sa pagpapakita ng galing ng mga Pilipino sa regional stage.
Napapanahon ito habang naghahanda ang Pilipinas na maging punong-abala sa darating na 49th Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit ngayong Nobyembre.
Sa pamamagitan ng mga kultural na pagtatanghal, magsisilbi ang venue bilang tulay upang maibahagi ang mga kuwento, kultura, at sining ng Pilipinas sa mga bisita mula sa iba’t ibang bansa sa Rehiyon.
Binigyang-diin ng pamahalaan na ang proyekto ay patunay ng patuloy na pagtataguyod sa mga kabataang malikhain. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga modernong pasilidad, umaasa ang administrasyon na mas lalong uusbong at mamumulaklak ang mga ideya at sining ng bagong henerasyon ng mga Pilipinong talento.