Photo courtesy of Bagong Silangan High School
Walang katotohanan ang napaulat na ‘security threat’ sa Bagong Silangan High School, ngayong umaga.
Ito ang paglilinaw ng barangay at ng Quezon City Police District na nag-imbestiga matapos na mabulabog ang paaralan at magkagulo ang mga estudyante.
Ayon sa principal ng eskwelahan, nag-ugat ito sa narinig na malakas na tunog ng mga estudyante na inakala nilang putok ng baril kaya nag-panic ang mga ito. May ilan pang estudyante ang dinala sa clinic dahil kinabahan sa sitwasyon.
Dahil din dito, sinundo ng ilang magulang ang kanilang mga anak.
Kinumpirma naman ni PS13 Station Commander Plt. Col. Rowena Amata na walang nangyaring gulo na saksakan o barilan sa loob ng Bagong Silangan High School. Wala rin umano silang na-recover na ano mang patalim o armas sa eskwelahan.
Nilinaw din ni Brgy Bagong Silangan Chairman Willy Cara na ‘fake news’ ang mga kumakalat na mensahe online na may manggugulo sa BSHS kaya wala umanong dapat ipag-alala ang mga magulang.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Principal Marivic Francisco na hindi suspendido ang klase sa Bagong Silangan High School at tanging may mga sundo lang na magulang ang pinauwi kanina.