Binati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si dating Unang Ginang Imelda Romualdez-Marcos kaugnay ng pagsapit nito sa kanyang ika-97 na taong kaarawan.
Sa social media post ng Pangulo, sinabi nitong iilan lamang ang pinagpapala na umabot sa edad na 97 habang kakaunti din ang nabibigyan ng biyayang gugulin ang mga taong iyon na napapaligiran ng mga anak, apo, at mga apo sa tuhod.
Sa paglalarawan naman ni Pangulong Marcos sa kanyang ina ay inihayag nitong namuhay ang dating First Lady ng isang pambihirang buhay—isang buhay na nakasaksi sa kasaysayan, humubog sa kanilang pamilya, at nag-iwan ng hindi mapapawing alaala sa bansa.
At sa mga dekada ng paglilingkod sa bayan ni Gng. Marcos ay inihayag ng Pangulo na marami itong buhay na nabigyan ng inspirasyon at hanggang ngayon ay patuloy na naaalala dahil sa kanyang mga nagawa.
Dagdag ng Pangulo na ang dating Unang Ginang ang puso ng kanilang pamilya at ang pinakamabuting ina na maaari nilang hilingin.