Tiniyak ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang kanilang kahandaan para isilbi ang warrant of arrest sa sino mang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Ito’y sakaling ipag-utos na ng Korte ang pagpapaaresto sa sino mang matataas na opisyal na may kinahaharap na kaso.
Sa panayam sa Kampo Crame, sinabi ni CIDG – National Capital Region (NCR) Director, PCol. John Guiagui na hindi sila mangingimi na ipatupad ang nasabing kautusan bilang bahagi ng kanilang mandato.
Nang matanong sa posibilidad ng pagpapaaresto ng Sandiganbayan kay Sen. Rodante Marcoleta dahil sa kasong Plunder sa bisa ng isang warrant, sinabi ni Guiagui na kailangan dito ng maigting na paghahanda hindi lamang sa CIDG kung hindi sa buong PNP.
Sa ngayon, sinabi ni Guiagui na wala pang natatanggap na bagong warrant of arrest ang CIDG para sa sino mang high ranking official na may kaso.
Kaugnay naman sa mga hinahanap pang indibiwal na sangkot sa maanomalyang flood control na mayroong warrant of arrest, sinabi ni Guiagui na nagpapatuloy ang manhunt operations sa mga ito.