Sa layong mapangalagaan ang agri resources ng bansa at mapatatag ang food security, pinasinayaan ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang bagong National Seed Reserve Facility ng Bureau of Plant Industry (BPI).
Isa itong pasilidad na magsisilbing long-term repository o imbakan ng mga de-kalidad na binhi para sa regular crop production at post-disaster recovery.
Matatagpuan ang pasilidad sa loob ng compound ng Bureau of Plant Industry o BPI sa Quezon City.
Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., mahalagang puhunan ang pasilidad sa food security strategy ng bansa lalo na sa harap ng mas matitinding bagyo at El Niño. Makatutulong kasi umano ang pasilidad para mas mabilis na makapagtatanim muli ang mga magsasaka na naaapektuhan ng kalamidad.
Binubuo ang pasilidad ng tatlong solar-powered storage units na may kapasidad na makapag-imbak ng hanggang 9,000 bags ng binhi.
Dagdag pa ng kalihim, simula pa lang ito ng hakbang ng DA na mapalawak ang seed reserve facilities sa bansa para mas matulungan ang mga magsasaka.
Sa ngayon, may itinatayo na rin ang DA na iba pang seed facilities sa Bicol, at Iloilo na pinondohan sa ilalim ng 2026 budget.