Nasa kamay na ng PNP-CIDG ang susunod na hakbang upang mapalakas ang reklamong may kaugnayan sa pagkalunod ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University bago ito muling ihain sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay DOJ Undersecretary Ian Dato, natanggap na nila kahapon (July 2) ang supplementary referral mula sa PNP-CIDG na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kasong homicide at reckless imprudence resulting in homicide laban sa ilang indibidwal.
Ipinaliwanag ni Dato na pagsasamahin ang nasabing supplementary referral at ang nauna nang referral na inihain ng CIDG, at kasalukuyan na itong sumasailalim sa masusing evaluation ng DOJ.
Tumanggi naman si Dato na pangalanan ang mga respondent sa kaso at sinabi ring hindi muna siya magbibigay ng karagdagang detalye hangga’t hindi pa natatapos ang pagsusuri.
Gayunman, nilinaw niya na susundin ang karaniwang proseso ng preliminary investigation. Bibigyan muna ng pagkakataon ang mga respondent na magsumite ng kanilang counter-affidavit bilang tugon sa mga reklamo, bago naman payagang magsumite ng kanilang reply ang mga complainant.