Photo courtesy of Bureau of Customs
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Cebu ang tinatayang ₱980 milyong halaga ng mga iligal na sigarilyo na nakatago sa 25 container vans sa isang pribadong pantalan sa Mandaue City, Cebu kahapon, July 2.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng Letter of Authority at Mission Order ng BOC, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Ayon sa BOC, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal tobacco trade at smuggling, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Iginiit naman ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na hindi titigil ang ahensya sa intelligence-driven operations upang mabuwag ang smuggling networks, maprotektahan ang mga lehitimong negosyo, at mapangalagaan ang kita ng pamahalaan.
Patuloy na rin ang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable, ang pinagmulan ng mga kargamento, at ang posibleng paglabag sa umiiral na batas sa customs.