Hindi na maghahain ng komento ang House Prosecution Panel sa inilabas na Pre-Trial Order ng Senate Impeachment Court para sa paglilitis ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Private Prosecutor at Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa, nagpasya ang team na huwag nang magsumite ng komento upang maiwasan ang anumang posibleng dahilan na magreresulta sa pagkaantala ng paglilitis.
Aniya, inaasahan nila ang pagsisimula ng trial sa Lunes, July 6 ng maayos dahil marami na ang nag-aabang sa pagsisimula ng paglilitis.
Sa panig naman ng depensa, naihain na nila ang kanilang komento base sa kumpirmasyon ni Senate Secretary Renato Bantug na siya ring tumatayong Clerk of Court.
Ayon pa kay Tolosa, walang nakikitang “significant issues” sa Pre-trial Order ang prosekusyon na kailangang iwasto o kwestyunin.
Ang Pre-Trial Order ang magsisilbing gabay o “roadmap” sa paglilitis ng Pangalawang Pangulo.