Isinusulong ngayon ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang isang panukalang batas na naglalayong palawakin ang saklaw ng maternity benefits para sa mga kababaihang manggagawa sa informal economy.
Sa pamamagitan ng House Bill No. 9904 o ang “Maternity Benefit for Women in the Informal Economy Act,” na parehas ng Senate Bill No. 1579 ni Senator Risa Hontiveros, layon nitong amyendahan ang Republic Act No. 11210 (Expanded Maternity Leave Law).
Sa ilalim ng panukala, pagkakalooban ng one-time maternity cash benefit kada panganganak ang mga babaeng manggagawa na hindi miyembro ng Social Security System (SSS).
Ang halaga ng benepisyo ay katumbas ng 44 araw na halaga ng umiiral na daily minimum wage sa rehiyon kung saan nakatira ang mag-ina.”
Ayon sa panukala, ang cash benefit ay pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Habang ang pondong gagamitin para rito ay kukunin mula sa mga nakokolektang excise tax o buwis mula sa sweetened beverages, alak, sigarilyo, heated tobacco products, at vapor products (vape), na maaari ring madagdagan sa ilalim ng taunang General Appropriations Act (GAA).
Sa kasalukuyang ika-20 Kongreso, may mga kahalintulad ding panukala na inihain sina Reps. Brian Yamsuan, Ferdinand Martin Romualdez, Yedda Romualdez, Andrew Romualdez, Kaka Bag-ao, pati na rin ang mga kinatawan ng Akbayan na sina Dadah Ismula, Jose Manuel Diokno, at Percival Cendaña.