Photo courtesy of Philippine News Agency
Sinabi ni dating Albay Representative at economist solon Joey Salceda na ang pagkamit ng Pilipinas bilang ‘upper middle income country’ ay maituturing na karangalan at konkretong patunay ng mahusay na pamamahala sa ekonomiya ng administrasyong Marcos Jr.
Ito ang pahayag ni Salceda ngayong pormal nang naabot ng Pilipinas ang katayuan, matapos ilabas ng World Bank ang ulat kung saan pumalo sa US$4,850 ang gross national income (GNI) per capita ng bansa—mas mataas sa itinakdang US$4,636 na threshold para sa mga ekonomiyang nasa ganitong antas.
Ayon kay Salceda, umupo sa pwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa gitna ng matinding krisis sa ekonomiya: bumabangon pa lamang ang bansa mula sa pandemya, mataas ang inflation at interes, pabago-bago ang presyo ng pagkain at enerhiya, gipit ang mga supply chain, at tumitindi ang mga geopolitikal na panganib sa buong mundo.
Diin niya sa kabila ng mga hamong ito, matagumpay na naitawid ng Pilipinas ang mahalagang yugtong ito ng kaunlaran.
Gayunpaman, dagdag ni Salceda kaakibat nito ang bagong responsibilidad at hindi dapat magpakakumpiyansa.
Dagdag ng dating House Ways and Means Chair, dapat itong maging hudyat para sa mas matinding disiplina, mas mabilis na pagpapatayo ng mga imprastraktura, mas maayos na pamamahala, at paghahanda sa mga bagong reyalidad sa pagpopondo gaya ng pagkuha ng Official Development Assistance (ODA).