Walang naitalang Pilipino na nasawi o naospital dahil sa epekto ng heat wave o matinding init na nararanasan sa bansang France.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Philippine Ambassador to France Eduardo De Vega, ibinahagi nito na sa mahigit 40,000 Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa France, wala pang naiulat sa embahada na naapektuhan ng heat wave na pumapalo sa mahigit 40°C na temperatura.
Ayon kay de Vega, bago pa ang bugso ng heat wave sa France ay nagpalabas na sila ng mga paalala na maghanda para sa posibleng tag-init na mararanasan doon.
Agad namang tumugon ang mga Pilipino roon at nagsipagbili ng mga portable na aircon o kaya naman ay electric fan.
Hindi na rin aniya maitatanggi ang pagiging resilient at sanay ng mga Pilipino sa init ng panahon buhat sa panahon sa Pilipinas.
Kaya naman marami sa mga naapektuhan ng heat wave sa France ay mga lokal na residente, dagdag pa ang mga kabahayan doon na nakadisensyo sa malamig na panahon at hindi para makaangkop sa mainit na temperatura.