Kinumpirma ni Senate President Sherwin Gatchalian na siya ang magsisilbing presiding officer ng impeachment court sa nalalapit na paglilitis kay Vice President Sara Duterte, alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng Senado.
Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na malinaw sa rules ng Senado na ang Senate President ang dapat mamuno sa impeachment trial.
Gayunman, nilinaw niya na maaari pa ring magtalaga o maghalal ng ibang presiding officer kung ito ang nanaisin ng mayorya ng mga senador.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Gatchalian na wala pang naging desisyon ang Senado na baguhin ang magiging presiding officer, kaya siya ang nakatakdang mamuno sa impeachment court.
Ayon kay SP Win, puspusan na ang kanyang paghahanda para sa tungkuling gagampanan.
Aniya, pinag-aaralan niya ang mga teknikal na aspeto ng pamumuno sa impeachment proceedings, kabilang ang impeachment rules at iba pang kaugnay na proseso.
Bukod dito, sinabi niyang mahalaga ring pag-aralan ang merito ng kaso dahil ito ang magiging batayan ng magiging pasya ng mga senator-judges.
Nang tanungin kung kakailanganin ba niya ng abogado sa kanyang tabi habang namumuno sa paglilitis, sinabi ni Gatchalian na hindi ito kinakailangan.
Sa halip, iginiit niyang ang pinakamahalaga ay ang masusing paghahanda bago magsimula ang impeachment trial. | ulat ni Nimfa Asuncion