CIDG
Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kasama ang mga tauhan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Land Transportation Office (LTO) ang tatlong hinihinalang fixer sa magkahiwalay na operasyon sa LTO Sampaloc sa Maynila at LTO Main Office sa Quezon City noong June 29.
Ayon kay CIDG Spokesperson Police Major Helen Dela Cruz, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa ARTA hinggil sa ilegal na pagpoproseso ng mga dokumento sa LTO sa pamamagitan ng online at direct transactions ng mga fixer na umano’y may koneksyon sa loob ng ahensya.
Batay sa ulat ng pulisya, ang dalawang suspek na naaresto sa Maynila ay tumanggap ng ₱3,500 para sa pagproseso ng student permit na ipinangakong mailalabas sa loob ng isang araw.
Samantala, ang suspek na nahuli sa LTO Main Office sa Quezon City ay naaktuhang nagpoproseso ng driver’s license na nagkakahalaga ng ₱7,500, na ipinangakong mailalabas sa loob ng isang araw.
Nabatid na ang regular na bayarin para sa student permit ay ₱800, habang ₱1,600 naman para sa driver’s license, at tumatagal ng tatlong araw ang pagproseso ng mga ito.
Sa ngayon, natukoy na ng CIDG ang LTO personnel na hinihinalang nagsisilbing koneksyon ng isa sa mga suspek at kasalukuyan na itong iniimbestigahan.
Nahaharap ang tatlong naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018. | ulat ni Diane Lear