Iniimbestigahan na ng Quezon City Police District (QCPD) ang kumakalat na viral video at ang naging pagtugon ng isang pulis sa komprontasyon sa pagitan ng isang motorcycle rider at mga kalahok sa rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument noong June 30.
Matatandaang pinuna ni Senador Raffy Tulfo ang naging aksyon ng pulis na imbes umano awatin o kontrolin ang mga raliyista na pumalibot sa isang motorcycle rider, ang rider pa umano ang pinagsabihan ng pulis.
Paliwanag naman ng QCPD, namagitan agad ang nakatalagang pulis sa komprontasyon para mapahupa ang tensyon at maiwasang mauwi ito sa karahasan.
Binigyang-diin din ng QCPD na kumilos ang pulis alinsunod sa prinsipyo ng maximum tolerance, batay sa umiiral na operational procedures ng Philippine National Police at sa mga probisyon ng Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act of 1985.
Tiniyak naman ng QCPD na magiging transparent ang kanilang imbestigasyon at nanawagan na rin ng pakikipagtulungan mula sa motorcycle rider at sa mga nakasaksi sa insidente.