Pinalawak ng Philippine Open Government Partnership (PH-OGP), sa pangunguna ni Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert De Leon, ang pambansang alyansa para sa open government reforms.
Ito ay matapos lumagda ang PH-OGP ng Memorandum of Understanding kasama ang ilang ahensya ng gobyerno, academic institutions, at civil society organizations sa DBM Central Office.
Layunin ng kasunduan na pabilisin ang pagpapatupad ng PH-OGP 2026 Agenda na nagsusulong ng transparency, accountability, citizen participation, innovation, at mas mahusay na paghahatid ng serbisyo publiko sa national at local levels.
Kabilang sa mga bagong katuwang ng PH-OGP ang Department of Justice (DOJ), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Department of Health (DOH), Development Academy of the Philippines (DAP), University of the Philippines National College of Public Administration and Governance, Institute for Solidarity in Asia, De La Salle University–Jesse M. Robredo Institute of Governance, at Democracy Watch.
Ayon kay De Leon, mahalagang magtulungan ang mga institusyon upang mas maramdaman ng publiko ang serbisyo at reporma ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Department of Budget and Management Undersecretary at Senior Supervising Official ng PH-OGP Project Management Office Wilford Will Wong na ang pinalawak na partnership ay patunay ng mas matatag at mas institusyonalisadong open government ecosystem sa bansa.
Binigyang-diin ng DBM na inaasahang mas palalakasin ng alyansa ang transparency at accountability sa pamamahala ng pondo ng bayan, habang pinalalawak ang makabuluhang partisipasyon ng mamamayan sa mga reporma ng pamahalaan.