Photo courtesy of COMELEC
Inilahad ni COMELEC Chairman George Garcia, na ilang mahahalagang preparasyon para sa 2028 National and Local Elections ang may zero budget sa panukalang 2027 allocation ng ahensya.
Kabilang dito ang lease ng warehouse at venues, technical support para sa automated election system, training of trainers, at travel at mobilization expenses para sa pagberipika ng mga polling precinct at voting centers.
Ayon kay Garcia, zero budget ang warehouse at venue requirements na kakailanganin ng COMELEC para sa filing ng certificates of candidacy ng mga kandidato sa national positions at party-list groups.
Binanggit din niyang zero ang pondo para sa technical support na magsisilbing central hub sa pagtugon sa mga problemang maaaring lumitaw sa automated election system sa Election Day.
Nang mausisa kung bakit nabawasan ang budget ng poll body, sinabi ni Garcia na ibinatay ang paglalaan ng pondo sa historical basis o sa mga pondong ibinigay sa mga nakaraang halalan.
Pero hindi aniya naisasaalang-alang ang patuloy na pagdami ng mga rehistradong botante at presinto, gayundin ang pagtaas ng pangangailangan sa election paraphernalia, bilang ng mga gurong magsisilbi sa halalan, at kanilang honoraria.
Iginiit ni Garcia na hindi maaaring isakripisyo ang mga preparasyong ito dahil maaaring makaapekto ang budget cuts sa kalidad at kahandaan ng COMELEC para sa 2028 elections.