Idineklara ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na pangkalahatang naging mapayapa ang tatlong araw na pagdaraos ng aktibidad ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo (INC) na nagtapos sa Liwasang Bonifacio kahapon.
Ayon sa PNP chief, walang naitalang anumang untoward incident sa tatlong araw na aktibidad buhat pa sa People Power Monument sa Quezon City, maliban sa ilang minor incident sa unang araw.
Nagpasalamat ang PNP sa mga organizer at mga lumahok sa pagtitipon sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at kahinahunan sa kasagsagan ng pagtitipon.
Kasunod nito, pinapurihan ni Nartatez ang lahat ng pulis na nag-alay ng kanilang oras at sarili para tiyaking magiging ligtas ang publiko mula sa mga hindi inaasahang banta.
Naninindigan ang PNP na kanilang tutuparin ang kanilang mandato bilang mga propesyunal at may paggalang sa rule of law.
