Nakatutok na ang Department of Agriculture (DA) sa mga kinakailangang paghahanda para sa posibleng epekto ng El Niño phenomenon sa sektor ng agrikultura sa mga susunod na buwan.
Inihayag ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na tuloy-tuloy ang kanilang irigasyon upang matulungan ang mga magsasaka na mapanatili ang kanilang produksiyon.
Sinabi rin ng DA na pinalalawak na nito ang mga cold storage facility upang maayos na maimbak ang mga ani, mabawasan ang post-harvest losses, at hindi gaanong umasa ang bansa sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.
Naglaan na rin ang pamahalaan ng financial assistance para sa mga magsasakang maaapektuhan ng El Niño.
Nauna nang naglabas ang DA ng El Niño Alert batay sa mga projection ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa ahensya, may 79 porsiyentong posibilidad na maranasan ng bansa ang epekto ng El Niño na inaasahang magsisimula sa Hunyo, tatagal hanggang Agosto 2026, at posibleng umabot hanggang sa unang bahagi ng 2027.