Nanawagan ang mga pamilya ng mga nasawi sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte sa Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang mga polisiyang naging batayan ng dating administrasyon.
Sa pamamagitan ng kanilang mga abogado mula sa CenterLaw Philippines, naghain ang mga petisyoner ng Manifestation and Urgent Motion for Resolution, kung saan hinihiling nila sa Korte Suprema na aksyunan na ang mga kasong nakabinbin mula pa noong 2017.
Saklaw ng petisyon ang 26 na komunidad sa Maynila na umano’y nakaranas ng pangha-harass noong kasagsagan ng war on drugs.
Dahil sa usapin ng seguridad, hindi pinangalanan ang mga naturang lugar.
Hinihiling din nila sa Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang Philippine National Police Command Memorandum Circular No. 16-2016, o mas kilala bilang Project Double Barrel, na naging batayan ng mga anti-drug operation. Nananatiling umiiral ang naturang polisiya kaya maaari pa rin umano itong magamit ng mga pulis bilang batayan ng mga operasyon sa mahihirap na komunidad.