Muling binuksan ng AirMacau ang direktang biyahe nito mula Macau patungong Maynila, isang hakbang na inaasahang magpapalakas sa turismo at koneksyon ng Pilipinas sa Greater China market.
Ang pagbabalik ng nasabing direct flight ay malugod na tinanggap ng Department of Tourism (DOT) matapos itong suspendihin nang halos dalawang taon.
Ayon sa ahensya, mas mapapadali nito ang paglalakbay ng mga turista, negosyante, at overseas Filipino workers sa pagitan ng Macau at Pilipinas.
Limang beses kada linggo ang magiging operasyon ng AirMacau, tuwing Lunes, Martes, Huwebes, Biyernes, at Linggo.
Target naman ng airline na gawing araw-araw ang biyahe nito pagsapit ng Setyembre 2026. Dumating sa NAIA Terminal 3 ang unang flight ng AirMacau mula Macau dakong 1:45 ng hapon kahapon na may lulan na 118 pasahero. Sinalubong ang mga ito ng mga kinatawan ng DOT bago umalis pabalik dakong 3:10 ng hapon.