Muling pinaalalahanan ng Quezon City Health Department ang publiko na ugaliin pa rin ang tamang respiratory hygiene, at magsuot ng face mask kung may sintomas ng ubo.
Kasunod ito ng muling pagsipa ng kaso ng Covid-19 sa lungsod.
Ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), umabot na sa 146 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Quezon City ngayong taon at katumbas ng 265% na pagtaas sa loob ng tatlong linggo.
Tumaas din ang bilang ng kumpirmadong kaso mula 23 noong May 21-June 10, sa 84 mula June 11 -July 1.
Nangunguna ang District 4 sa may pinakamaraming kaso na sinundan ng District 1.
Dahil dito, muling hinikayat ng LGU ang sinumang makararanas ng sintomas ng ubo at sipon na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center.