Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Philippine National Police (PNP) sa Office of Civil Defense (OCD) bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang epekto ng Super Typhoon Bavi.
Bagama’t nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang sama ng panahon, maaari nitong palakasin ang southwest monsoon o habagat habang papalapit sa bansa ayon sa PAGASA.
Dagdag pa ng weather bureau, posibleng maramdaman ang epekto ng inaabangang Super Bagyo pagsapit ng Miyerkules, July 8.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng hakbang na matukoy ang mga lugar na posibleng maapektuhan ng Super Bagyo para matulungan ng Pulisya ang mga Lokal na Pamahalaan sa pagpapatupad ng safety measures sa mga residente.
Target nilang makamit ang zero casualty sa bagyo kaya’t kanilang ilalatag sa PNP ang disaster response protocols para tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng lahat lalo na ang mga nakatira sa mga mabababang lugar at malapit sa mga baybaying dagat
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking handa ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at palakasin ang mga paghahanda bago pa man tumama ang malakas na bagyo sa bansa.