Pinaalalahanan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng tauhan nito na nakatutok sa pagbibigay ng seguridad sa ngayong unang araw ng Impeachment Trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.
Sa flag raising ceremony sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., dapat maglingkod ang PNP nang walang kinikilingan, disiplinado, at tapat sa kanilang mandato.
Binigyang-diin nito na hindi sila nagsisilbi sa sinumang personalidad o interes sa politika, kundi sa Konstitusyon kung saan sila nangako na ipatutupad ang batas gayundin ay protektahan ang mamamayang Pilipino.
Nauna nang sinabi ng PNP na handa na ang kanilang security deployment para sa pagbubukas ng impeachment trial.
Aabot sa higit 6,000 pulis ang nakahandang magbigay ng seguridad, kabilang ang 3,250 na ide-deploy sa mga pangunahing lugar sa paligid ng Senado at 2,900 Civil Disturbance Management personnel.