Isang panibagong tagumpay para sa original Pinoy music at P-pop ang nakatakdang makamit ng SB19 matapos itong imbitahan na magtanghal sa Global Spin Live ng Grammy Museum sa Los Angeles, California, sa darating na July 28.
Bukod sa espesyal na live performance, inaasahan na makikibahagi rin ang grupo sa isang talakayan tungkol sa kanilang journey sa music industry.
Ang Global Spin Live ay bahagi ng serye ng Grammy Museum na nagbibigay ng entablado sa mga natatanging artist mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Matapos ang kanilang pagtatanghal sa Grammy Museum, tutungo naman ang SB19 sa Chicago para gumawa ng panibagong kasaysayan bilang kauna-unahang homegrown Filipino act na magtatanghal sa Lollapalooza sa July 30.