Photo courtesy of DENR-EMB FB
Pormal nang inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB) at mga partner nito ang MV Nilad, isang marine cleanup vessel para sa Manila Bay rehabilitation at disaster response.
Pinangunahan ang inagurasyon sa Port Area, Manila nina DENR Secretary Juan Miguel Cuna, at mga opisyal mula sa Pilipinas at South Korea.
Bahagi ang proyekto ng KOICA-funded Enhancement of Marine Litter Management in Manila Bay na layong palakasin ang operasyon sa paglilinis ng baybayin.
Lumagda rin ang DENR, Department of Transportation, at Philippine Coast Guard ng kasunduan para sa sabayang operasyon at maintenance ng barko.
Ayon sa DENR, kayang mangolekta ng MV Nilad ng lumulutang na basura at tumulong sa oil spill response gamit ang espesyal na kagamitan nito.
Batay sa pag-aaral, milyon-milyong piraso ng basura pa rin ang nasa Manila Bay, karamihan ay plastik mula sa pang-araw-araw na konsumo.
Sinabi ng ahensya na patuloy nilang palalawakin ang operasyon upang mapabuti ang kalagayan ng Manila Bay sa mga susunod na taon.