Sumuko sa Police Regional Office 6 (PRO6) ang isang dating PNP personnel na wanted sa kasong murder sa Iloilo City.
Sa ulat sa Kampo Crame, bandang 12:45 ng madaling araw noong July 5, 2026, sumuko ang dating Pulis sa punong tanggapan nito sa Camp Martin Teofilo B. Delgado, Fort San Pedro, Brgy. Veterans, Iloilo City.
Kinilala ni PRO6 Director, PBGen. Randulf Tuaño ang akusado sa alyas na “Jerry,” 40 taong gulang, residente ng Arevalo, Iloilo City.
Kusang sumuko si alyas “Jerry” bunsod ng isang nakabinbing warrant of arrest para sa kasong murder na inilabas ng Regional Trial Court, Sixth Judicial Region, Branch 31, Iloilo City, noong Abril 26, 2022 at walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Kasabay ng kanyang boluntaryong pagsuko, isinuko rin niya ang kanyang inisyung Taurus TS9 service firearm at isang magazine. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Iloilo City Police Station 1 para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Ayon kay PBGEN Tuaño, ang mapayapang pagsuko ng akusado ay nagpapakita ng kahalagahan ng tuloy-tuloy na intelligence work, mahusay na koordinasyon, at tiwalang nabubuo sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Binigyang-diin din niya na ang mapayapang resolusyon ay bunga ng mahusay na police work.
Hinimok din ni PBGEN Tuaño ang iba pang mga wanted person na kusang sumuko at harapin ang kanilang mga kaso.
Patuloy na paiigtingin ng PRO6 ang kampanya laban sa mga wanted person sa pamamagitan ng mga operasyong legal, disiplinado, may pananagutan, intelligence-driven, at may mahusay na koordinasyon, alinsunod sa kanilang adhikaing Responsive, Trusted, and Transformative Policing para sa mas ligtas na Western Visayas.
Ang tagumpay na ito ay sumusuporta rin sa bisyon ng Philippine National Police na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, PNP. | ulat ni Jaymark Dagala