Naninindigan si Senador Ping Lacson na hindi pwedeng desisyunan ng Senate Impeachment Court ang pagbubukas ng BIR box o ang kahon na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte.
Ang naturang kahon kasi ay isinumite ng House prosecution panel bilang bahagi ng kanilang ebidensya laban sa bise presidente, at naghain sila ng mosyon noong pre-trial conference na buksan na ito at mamarkahan na ang mga laman ng BIR box.
Ayon kay Lacson, hindi pwedeng mangibabaw sa batas ang impeachment court, at dapat ibatay sa umiiral na batas at jurisprudence ang disposisyon sa selyadong kahon.
Aniya, posible aniyang ibalik ng senate impeachment court ang kahon sa house prosecution team hanggat hindi nasusunod ang mga kondisyong itinatakda ng batas dahil hindi tungkulin ng senado na i-safekeep ang BIR box.
Pinaliwanag ni Lacson, na sa ilalim ng National Internal Revenue Code, ang mga ITR (income tax return) ay maaari lang ma-inspeksyon kung may utos ng Pangulo ng bansa, alinsunod sa rules and regulations na itatakda ng secretary of finance, batay sa rekomendasyon ng commissioner.
Maaari rin aniyang mabuksan ang mga record kung magbibigay ng waiver ang respondent.
Nagbabala si Lacson, na kung magpapasya ang impeachment court na buksan ang kahon nang hindi sumusunod sa batas ay maaari itong malantad sa akusasyon ng grave abuse of discretion.