DepEd
Lumagda ang Department of Education (DepEd) at ang Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP) sa isang Memorandum of Understanding (MOU) upang palakasin ang transparency, accountability, at good governance sa pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP).
Ayon sa DepEd, sa ilalim ng kasunduan, magsisilbi ang BCBP bilang independent third-party observer sa mga PPP project ng ahensya, kabilang ang Public-Private Partnership for School Infrastructure Project (PSIP).
Layunin ng MOU na matiyak ang maayos, malinaw, at transparent na pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura upang makatulong sa pagtugon sa kakulangan ng mga silid-aralan at pagpapabuti ng mga pasilidad sa mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalaga ang transparency at accountability upang matiyak na ang mga programa ng DepEd ay magbibigay ng makabuluhang benepisyo sa mga mag-aaral at mapanatili ang tiwala ng publiko.
Sa ilalim ng kasunduan, maghahain ang BCBP ng mga obserbasyon at rekomendasyon sa iba’t-ibang yugto ng proyekto, kabilang ang project development, procurement, at pagsubaybay sa implementasyon.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na mananatiling independent at advisory lamang ang papel ng BCBP at hindi ito makikilahok sa mga desisyon kaugnay ng procurement, pagsusuri ng mga bid, at paggawad ng mga kontrata.
Binigyang-diin ng DepEd na ang kasunduan ay naaayon sa mga probisyon ng Public-Private Partnership Code of the Philippines, New Government Procurement Act, at iba pang umiiral na batas at mga patnubay para sa mga PPP project. | ulat ni Diane Lear