Senate of the Philippines
Giniit ni Senate President Sherwin Gatchalian na siya ang nagmungkahi sa kanyang mga kasamahan na ihalal si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment court upang matiyak na mabibigyan ng buong atensyon ang paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte, gayundin ang iba pang mahahalagang tungkulin ng Senado.
Ayon kay Gatchalian, sinadya niyang ihain ang mungkahing ito dahil naniniwala siyang nararapat na magkaroon ng hiwalay na pamumuno sa araw-araw na pagdinig ng impeachment trial at sa iba pang responsibilidad ng Senado.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na si Escudero ang mamumuno sa pang-araw-araw na takbo ng paglilitis, habang mananatili naman siyang may ganap na pangangasiwa sa impeachment court bilang Senate President.
Aniya, patuloy niyang titiyakin na ang paglilitis ay isasagawa nang patas, alinsunod sa Konstitusyon, sa Rules of Procedure on Impeachment Trials, at sa prinsipyo ng due process.
Sinabi rin ni Gatchalian na sa ganitong kaayusan ay mabibigyan niya ng sapat na panahon ang iba pang mahahalagang gawain ng Senado, kabilang ang pagsusulong ng mga prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), pagtalakay sa panukalang 2027 national budget, at pagsasagawa ng mga pagdinig ukol sa flood control controversy, karahasang may kaugnayan sa mga paaralan, at iba pang agarang usaping pambansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi nangangahulugang nababawasan ang halaga o kahalagahan ng impeachment trial sa naturang hakbang.
Aniya, ipinakikita lamang nito ang determinasyon ng Senado na maayos na gampanan kapwa ang paglilitis at ang iba pang mga tungkuling nakaatang sa institusyon.
Dagdag pa niya, bukod sa impeachment, dapat ding tugunan ng Senado ang tumataas na presyo ng petrolyo, mataas na inflation, at kawalang-katiyakan sa ekonomiya na direktang nararanasan ng mga pamilyang Pilipino.