Photo courtesy of Department of Labor and Employment
Palalawakin ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng pamahalaan ng Malaysia ang kanilang kooperasyon sa paglikha ng trabaho at pagsasanay ng mga manggagawang Pilipino.
Sa pagpupulong nina Labor Secretary Francis Tolentino at Malaysian Ambassador Abdul Malik Melvin Castelino, tinalakay ang pagpapalawak ng skills training sa green jobs, technology-driven upskilling, workforce development, at Halal food industry certification upang mas maging handa ang mga Pilipino sa nagbabagong pangangailangan ng regional labor market.
Iminungkahi rin ni Tolentino ang mas direktang koordinasyon ng DOLE at Malaysian Embassy para mapabilis ang pagproseso ng Alien Employment Permits (AEPs) ng mga Malaysian.
May humigit-kumulang 300 kumpanyang pag-aari ng Malaysia na nagpapatakbo sa Pilipinas, habang tinatayang 2,029 AEPs ang naibigay sa mga Malaysian professionals, noong 2025.
Nagpasalamat naman si Ambassador Castelino sa patuloy na suporta ng Pilipinas at kinilala ang papel ng DOLE sa pagtataguyod ng trabaho at proteksyon ng mga manggagawa.
Sa kasalukuyan, nananatiling isa ang Malaysia sa pangunahing destinasyon ng mga OFW sa Timog-Silangang Asya, kung saan mahigit 13,000 land-based OFWs ang nagtatrabaho roon hanggang Mayo 2025.