Photo courtesy of Philippine Coast Guard
Nakapag-monitor ang Philippine Navy ng kabuuang 74 na barko ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N) at China Coast Guard (CCG) sa buong buwan ng Hunyo.
Mas mababa ito kumpara sa 82 Chinese vessels na namataan noong buwan ng Mayo.
Sa Bajo de Masinloc, 41 Chinese vessels ang namataan ng Philippine Navy. Mayroon ding 16 na barko sa Ayungin Shoal, walo sa Escoda Shoal, at siyam sa Pag-asa Island.
Sa kabuuan, umabot sa 20,494 na sasakyang-pandagat ang namataang naglayag sa loob ng Philippine maritime zones. Mahigit 17,000 dito ang foreign-flagged vessels, habang mahigit 3,000 naman ang domestic vessels.
Kaugnay nito, 14,548 na sasakyang-pandagat ang tumugon sa radio challenges alinsunod sa international protocols, habang 5,946 naman ang hindi tumugon.
Tiniyak naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay at mga operasyon upang mapanatili ang seguridad sa karagatan ng bansa.