Photo courtesy of Manila PIO
Inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pagpapalabas ng P688.9 milyong benepisyo para sa 359,295 benepisyaryo sa lungsod.
Saklaw nito ang mga pulis, guro, estudyante, senior citizens, persons with disabilities o PWDs, at solo parents.
Ayon kay Moreno, P611.1 milyon ay mula sa pondo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, habang P77.79 milyon ay mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa Social Pension ng mga senior citizen.
Ang unang bugso ng ayuda ay ipamamahagi Hulyo 8 hanggang 11, habang ang monetary allowances at Social Pension ay ilalabas Hulyo 22 hanggang 24.
Kabilang sa makatatanggap ng benepisyo ang mga tauhan ng Manila Police District, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, mga guro, Grade 12 students, at mga estudyante ng Universidad de Manila, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at EARIST.
Makakatanggap din ng ayuda ang mga PWD, solo parents, at mahigit 212,000 senior citizens, habang ang 25,930 DSWD-registered seniors ay tatanggap pa ng karagdagang Social Pension mula sa pambansang pamahalaan.
Hinikayat ni Moreno ang mga benepisyaryo na bantayan ang iskedyul ng pamamahagi at tiniyak na patuloy na gagamitin nang maayos at episyente ang pondo ng taumbayan.