Inanunsyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ibinalik na ang dating excise tax rates sa kerosene at liquefied petroleum gas (LPG) matapos bumaba sa mas mababa sa USD 80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil noong Hunyo.
Batay sa sertipikasyon ng Department of Energy (DOE), umabot sa USD 79.45 kada bariles ang isang buwang average na presyo ng Dubai crude oil mula Hunyo 1 hanggang 30, 2026.
Dahil dito, awtomatikong ibinalik ang excise tax rates sa kerosene at LPG sa mga itinakdang halaga sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997, alinsunod sa Executive Order No. 114, s. 2026.
Ayon sa BIR, epektibo ang pagbabalik ng dating singil simula ngayong araw, Hulyo 8, 2026, at hindi na kailangan ng karagdagang kautusan upang ipatupad ito.
Pansamantalang sinuspinde ng Executive Order No. 114, s. 2026 ang excise tax sa ilang produktong petrolyo sa loob ng tatlong buwan upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.