May kakayahan ang PNP General Hospital na magsagawa ng rehabilitasyon para sa problema sa cervical spine ni Senador Rodante Marcoleta.
Ito ang tiniyak ni PNP General Hospital Internal Medicine Department Chief Police Lieutenant Colonel Belany Bayani, matapos magreklamo ang senador ng pananakit ng leeg at pagkahilo na iniuugnay sa problema sa kanyang cervical spine.
Ayon kay Bayani, isinailalim sa X-ray ang cervical spine ng senador at ini-refer na rin ito sa Rehabilitation Medicine upang masuri ng rehab doctor. Aniya, maaaring sumailalim ang pasyente sa rehabilitasyon o pain management depende sa magiging rekomendasyon ng espesyalista.
Dagdag ni Bayani, karaniwang umaabot sa hindi bababa sa anim na rehabilitation sessions ang ganitong kondisyon, bagama’t hindi pa matukoy sa rehab doctor kung ito rin ang kakailanganin ni Marcoleta.
Ipinaliwanag din ni Bayani na ang pabagu-bagong blood pressure at cardiomegaly o paglaki ng puso ng senador ay may kaugnayan sa kaniyang Stage 2 hypertension.
Sa ngayon, kailangan munang makumpleto at ma-clear si Marcoleta sa lahat ng kinakailangang pagsusuri at procedure bago siya payagang ma-discharge sa ospital. | ulat ni Diane Lear