Pinagtibay ng Korte Suprema na maaaring tanggapin bilang ebidensya sa mga pagdinig sa korte ang mga duplicate at photocopy ng mga dokumento—maging ito man ay nakasulat sa papel o nasa elektronikong anyo.
Sa desisyong isinulat ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo, binigyang-diin ng First Division ng mataas na hukuman na tanggap ang mga kopyang ito basta’t walang lehitimong duda o usapin sa autentisidad (katapatan) ng orihinal na dokumento, at walang kawalan ng katarungan sa paggamit ng kopya.
Inilabas ng Korte Suprema ang panuntunan kasabay ng pagpapatibay sa hatol na pagkabilanggo laban kay Ybo Lastimosa sa kasong pagpatay kay Ildefonso Vega Jr. sa Cebu City. Sa naturang kaso, isang photocopy lamang ng death certificate ni Vega ang iprinisinta ng prosecution para patunayan ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Umapela si Lastimosa at iginiit na hindi sapat ang photocopy upang patunayan ang corpus delicti (katibayan na may naganap na krimen) dahil hindi ito naikumpara sa orihinal na kopya.
Gayunpaman, ibinasura ng Korte Suprema ang argumentong ito. Ipinaliwanag ng korte na sa ilalim ng Rule 130, Section 4(c) ng 2019 Revised Rules on Evidence na ipinatupad noong 2020, ang mga duplicate tulad ng photocopy ay itinuturing na katumbas ng orihinal.
“Sinasalamin ng pamamaraang ito ang praktikal na realidad ng paggamit at pagtatabi ng mga dokumento sa makabagong mundo, kung saan ang mga duplicate ay madalas na hindi na maihahambing sa orihinal at mas madaling makuha,” anang Korte Suprema.
Sa ilalim ng batas, ang duplicate ay tinukoy bilang kopya na ginawa sa pamamagitan ng potograpiya, mekanikal o elektronikong re-recording, chemical reproduction, o iba pang katulad na teknolohiya na tumpak na nagpapakita ng orihinal. Dahil walang naghain ng reklamo na peke ang orihinal na death certificate, tinanggap ng korte ang photocopy.
Bagamat tanggap na ang mga photocopy, nilinaw ng mataas na hukuman na ang “bigat” o halaga nito bilang ebidensya ay nakadepende pa rin sa kung paano ito sinusuportahan ng iba pang mga testimonya at patunay sa kaso.
Dahil tugma ang photocopy ng death certificate sa salaysay ng mga testigo na binaril ni Lastimosa si Vega sa ulo, pinagtibay ng Korte Suprema ang parusang reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkabilanggo laban sa akusado, bukod sa pagbabayad ng P 275,000 para sa danyos.
Basahin ang buong pahayag ng Korte Suprema:
https://sc.judiciary.gov.ph/sc-photocopies-admissible-as-evidence-in-court