Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang buy-bust operation ang apat na indibidwal sa umano’y illegal na operasyon ng ‘paihi’ ng produktong petrolyo sa Brgy. Concepcion, Malabon City, kaninang madaling araw.
Kabilang sa nahuli ang kapitan at pahinante.
Narekober sa kanila ang tatlong container ng diesel na naglalaman ng 50 litro na ginamit sa buy-bust, isang improvised white plastic funnel, 2 tugboat at karagdagang 105 litro ng diesel na tinatayang nagkakahalaga ng nasa ₱20 milyon.
Ayon kay CIDG-NCR Chief Police Colonel John Guiagui, isinasagawa ang illegal na aktibidad sa pamamagitan ng pagkuha ng mga tugboat ang diesel sa laot, dadalhin sa Malabon at Navotas kung saan may naghihintay na mga tanker na ibebenta naman sa murang halaga.
Dahil dito ay makikipag-ugnayan ang CIDG sa PNP Maritime para matukoy kung saan kinukuha at napapalusot ang mga nakumpiskang produktong petrolyo.
Sa ngayon, ang mga suspek ay nasa kustodiya ng CIDG-NCR at nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1865.
Nagpaaalala naman ang CIDG-NCR sa publiko na huwag tangkilikin ang nasabing mga produkto.